Ito ay ipinadala sa pamamagitan ng email, at dahil swak na swak hanggang sa huling detalye ang sinabi nya, eto at aming ililimbag dito upang mabasa ng madla at upang magsilbi na ring unang post para sa 2007:
BAKIT BULOK ANG BACOOR???
Bulok bulok bulok!!!
Kung pabulukan lang naman ang labanan, panalong-panalo ang Bacoor. Huwag magmadaling husgahan ako – ipinanganak ako sa bayang ito, at labingwalong taon na akong naririto sa bayang ito, bagama’t ako ay nag-aaral sa Maynila.
Paminsan minsan, nagkakakuwentuhan kaming mga magkakaibigan tungkol sa aming mga bayan. Ang mga ibang bayan may ipagmamalaki kahit papaano, pero ako, wala. Ano bang meron sa Bacoor?
Trapik sa Coastal Road na umaabot hanggang Parañaque. Dahil saan? Trapik sa Bacoor, halos palagi. Iyan ba ang matatawag mong “Gateway to Cavite”?
Bulok ang serbisyo. Dito sa may bahagi ng Mambog, San Nicolas, Molino, Niog, at Bayanan ay kinalimutan na. Oo nga’t dalawa, tatlo, o apat na sakay kami papunta sa munisipyo – ngunit kami ay nagbabayad pa rin ng buwis sa Bacoor. Bakit walang serbisyo dito? Istasyon ng pulis, wala. Ni pulis Bacoor, wala pa akong nakikita, pwera na lamang kung nanghihingi ng tong, nagpapalala ng trapik, o nagi-istambay sa tapat ng istasyon sa Talaba. Nasaan ang pinakamalapit na istasyon ng pulis sa amin? NASA IMUS. Nasa may palengke ng Imus at doon sa may kwartel (Camp Garcia?). Nasaan ang pinakamalapit na bumbero? NASA IMUS, doon sa may palengke. Kaya noong nasusunog ang katabing bahay namin, kaming magkakapitbahay ang nagtulong-tulong mag-apula ng apoy. Dumating ang bumbero? Hindi, kasi walang nakakaalam na may bumbero pala sa Bacoor, naroroon ng lang sa may Talaba. Saan kaya napupunta ang mga buwis na binabayad namin?
Kumakain ba kayo ng Ding Dong? Hindi artista, ‘yung may mani, green peas at kornik. Ang gumagawa noon ay isang kumpanyang tinatawag na JBC. ‘Yun din ang gumagawa ng Happy peanuts, Chikito, at Captain Sid butong pakwan (“pinananabikan kahit kailan!”). JBC din ang initials ng mayor natin. BAKIT KAILANGANG BAWAT PROYEKTO ay may JBC? Ang kanyang mga bulok na railings, may JBC, dilaw at berde parang Ding Dong. Siguro hindi naman donated ng Ding Dong ang mga railings na iyon dahil wala pa naman tayong istatwa ni Captain Sid sa plasa. Halos bawat pipitsuging proyekto ay may nakakabwisit at nakakaduming billboard na may pagmumukha ni Mayor. Kahit ang pagdagdag ng apat na Baywalk-style na ilaw sa panukulan ng kalsada sa may Talaba, dapat may billboard din. Pwede nang gawing motto ng Bacoor “Just Being Conceited ~ Mayor”.
Ang Bacoor ang ikalawa sa may pinakamaraming liabilities (“bayarin”) sa buong Region IV-A pagkatapos ng Santa Rosa, Laguna. BAKIT TAYO NAGKAROON NG MARAMING BAYARIN? Wala naman gaanong proyektong nakikita, bulok ang serbisyo, pero maraming utang? Malaki naman ang tax base ng Bacoor, BAKIT NAGKAKAGANOON?
Ang Bacoor ang ikalawa sa PINAKAMARUMING bayan sa Bacoor (I guess this must say “ikalawa sa PINAKAMARUMING bayan sa Cavite” — webmaster).
BULOK! BULOK!
Ako ay isa sa mga matatawag na “newly disfranchised voter”. Opo. Dahil sa kabulukan ng bayang ito, ako ang isa lamang sa maraming mga taga-Bacoor na nawalan ng karapatang bumoto dahil sa kasalaulaan ng mga tao sa munisipyo. Gumising ako ng alas-kuwatro NG UMAGA, pumila ng 7:30 NG UMAGA, para malaman lamang na WALANG FORMS at hindi kami makakapagparehistro AT WALA NA SILANG IPAPAREHISTRO. Anong kabulukan iyan? Sa kabilang bayan ng Imus, WALANG PILA sa munisipyo, maayos ang proseso ng pagpaparehistro. Sa Quezon City, may mga barangay na nagkusang tulungan ang mga mamamayan sa pagpaparehistro. SA BACOOR, ANONG MERON? WALA. Ni mayor, ni mga tao sa munisipyo, ni mga tao sa barangay, walang ginawa upang tulungan ang mga tao sa pagpaparehistro. Ang iba pa nga ay pinapaalis ang mga taong gustong magparehistro at bumoto. Anong klaseng pamahalaan meron ang bulok na bayang ito?
ITO BA ANG BAYANG DAPAT MAGING LUNGSOD???
PS. Hindi ako makakaboto sa eleksyon, at nagbabalak na lamang akong lumipat at bumoto sa Maynila dahil nakakasulasok ang kabulukan ng bayang ito. Kung botante man kayo ng bayang ito, nagsusumamo akong maghalal kayo ng mga magagaling na pinuno upang maayos ang Bacoor at hindi naman tayo maging kahiya-hiya.
Salamat!